Matinding linggo, halos di makagalaw,
Parang nilamon ng lungkot na matagal.
May araw na kaya kong gawing mabunga,
Ngunit nitong huli, ako’y napagal
Lungkot na malalim, walang saysay ang mundo,
Isip na mapanakit, paulit-ulit ito.
Parang kadiliman, ako’y hinihigop,
Kahit pilit kong labanan, ako’y nauupos.
“Pagpupunyagi”—iyan ang aking tema,
Bawat araw, lumalaban para makabangon pa.
Kaya sinubukan kong muling tumayo,
Kahit mabigat, kahit di buo.
Nagpakita ako, binuksan ang damdamin,
Lahat ng takot, sakit ay inilahad rin.
Ang pag-uusap ay may ginhawang dala,
Lalo na kung may gabay na malinaw ang mata.
May mga kaibigan ngunit di laging handa,
May sarili rin silang pinapasan at iniinda.
Kaya’t natutunan kong maging maingat,
Sa paghingi ng espasyo, sa paglapit at paghayag.
Mayroon akong natutunan,
Kung paanong ang isip ay bumubuo ng kahulugan.
Ang isipan, minsan ay maling bumabasa—
“Di ako mahalaga,” imbes na “may dahilan pala sya”
Minsan ang damdamin, ay kailangang maramdaman,
Kahit ang utak ay pilit binibigyang kahulugan.
Kaya’t natutunan kong ipahinga ang isip,
At hayaan ang lungkot, kahit masikip sa dibdib
Ako’y buhay at pilit na gumagapi
Sa gitna ng dilim, may liwanag na dumampi.
Pasasalamat sa mga nagbigay ng pag-asa,
Mga munting kabutihan, at sa oras na masaya
Isang simpleng gawa, isang salitang magaan,
Maaaring tulak para sa muling paglalakbay.
Kaya’t salamat sa lahat ng mga sandigan
Sa linggong mabigat, pasanin ay gumagaan